Sa isang madilim na silid, nakaupo ang isang nilalang na may mapupulang mga mata.
Hindi mo man makita ang loob ng silid, maaamoy mo naman ang napakasangsang na amoy ng nagkalat na dugo.
Mula rito ay biglang gumalaw ang nilalang at may kinuha mula sa isa sa mga lalagyan, na lumikha ng kaunting ingay mula sa nakakabinging katahimikan ng silid.
Pagkatapos niyang makuha ang kanyang pakay, muli niyang isinara ang lalagyan, na muling lumikha ng ingay.
Ngunit pagkatapos noon, ay bumalik ang nakakapangilabot na katahimikan.
Napakatahimik, nakakapangilabot, at nakakabinging katahimikan.
Ngunit hindi nagtagal ang katahimikang iyon.
Biglang may sumabog… at nagmula iyon sa likuran ng nakaupong nilalang na nakapaloob rito.
Agad na sumilip ang liwanag na nagmumula sa dilaw at napakalaking buwan.
Ngunit para bang walang anumang nangyaring pagsabog, dahil ang nilalang na nakatalikod sa sirang dingding ay nanatiling nakaupo, hindi natinag.
Kuminang ang matulis na dulo ng kutsilyo na nasa kaliwang kamay niya.
Ang kaninang masangsang na amoy ng dugo ay nahaluan na ng preskong alikabok — alikabok na nagmumula sa nasirang dingding na tila ba ay lumikha ng usok.
Sa hindi kalayuan, may gumagalaw na pigura, at wala pang isang segundo ay nakarating na ang nilalang sa wasak na silid.
Sa pagkakataong ito, kumilos na ang nakaupong nilalang mula sa kinauupuan nito at walang takot na hinarap ang bagong dating.
Muling kuminang ang patalim na nasa kaliwang kamay niya, at bago pa man makakilos ang nilalang na nasa kanyang harapan, ay walang pag-aalinlangang sinugatan niya nang napakalalim ang kanang pulsuhan nito gamit ang kumikinang na patalim — na ngayon ay nababahiran na ng malapot at napakapulang dugo.
Dumausdos ang masaganang dugo mula rito.
Dahil dito, naging pula ang mga pares ng matang nakatitig sa kanya.
Nanlilisik ang mga ito, at halatang hayok na hayok sa naaamoy na dugo mula sa kaharap.
Sa isang kisap-mata, nakarating na ito sa nakaupo't nagdurugong nilalang.
Agad nitong dinakma ang nagdurugong pulsuhan at hayok na hayok itong sinipsip.
Wala nang ibang ginawa ang nilalang kundi panoorin itong pinagpipiyestahan ang kanyang dugo.
Walang mababakas na takot sa mukha niya; ang makikita mo lamang ay ang mala-demonyong ngiti sa kanyang mukha.
Titig na titig siya rito, hanggang sa unti-unting namungay ang kaninang mababagsik na mga mata ng isa.
Pero bago pa man mawalan ng malay ang nilalang, ay binulungan niya ito,
"Felizze riturno."
Pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang iyon, ay tuluyan nang nawalan ng malay ang nilalang.